Noon lamang isang buwa'y ang sabi ko sa Mama'y wala akong kadiliman. Akong tinatawag na big shot at kagalang-galang. Ngayo'y para akong dagang tinutugis na walang malamang sulingan.
---Amado V. Hernandez, Ang mga Kagalang-galang
Mapalad ang mga naghihirap. Ito ang katotohanang aking natuklasan makaraang aking isa-isahin ang dahon ng pangarap at pagkawasak ng mariwasang pamilya Grande sa dulang pinamagatang: Ang mga Kagalang-galang.
Marahil, iisipin mong kaipokrituhang masasabi na mayroong kaligayahang nakatago sa likod ng kahirapan. Subalit, kung iisipin, ang taong ipinanganak na sanay sa kakulangan at sanay sa pagharap nang nakapaa sa mga problema ay karaniwang mas madaling nakalalampas sa mga ito sapagkat kalimitan, hindi sila naghahangad ng higit sa kung anong mas nararapat at myroon sila, isang simpleng larawan ng buhay na buo ang kaligayahan at kabanalan.
Sa dulang Ang mga Kagalang-galang, ipinakita ni Amado V. Hernandez kung paanong ang mga taong nabibilang sa matataas na angkan ay kumakain ng pauri't paggalang subalit nabubuhay man sa angking kapangyarihan ay hindi pa rin nakokontento sa kanilang naaabot--- hungkag ang mga pangarap sapagkat naghahangad ng mas malaking pagkilala ng iba, mas malawakang impluwensiya, at mas prestihiyusong pamumuhay.
Ipinamalas din ni Hernandez ang mga temang base sa realidad: ang katotohanang wala naman talagang mayaman o mahirap sa mundong ito--- sapagkat lahat tayo ay nabubuhay sa utang at utang na loob, na makikita sa mga sitwasyong nangutang upang maghanda ang pamilya Grande para sa exposure at kanilang negosyo. Nariyan din ang mga taong pulitiko, nabubuhay at nagmamayabang dahil sa perang hindi naman kanila. Hindi rin nawala ang midya, naroon ang mga tagapagsulat sa diyaryo at mga potograper na kayang magbitiw sa kanilang pinanumpaang propesyon: ang paghagilap at pagbalita nang buong katotohaan. At si Mrs. Bigay, na animong nabubuhay para sa alahas na siya ring nagpabagsak sa kanya.
Kasakiman at kayabangan. Ito ang siyang naging ugat ng kanilang pagbagsak. Hindi pa man naaabot ang mga pinapangarap na kapangyarihang angkin ng iba pang mga diyos, unti-unti nilang napabayaan ang kanilang kastilyong gaano man katatag ay hindi na nila muling maaangkin.
Buod ng Kuwento
Ang pamilya Grande ay binubuhay ng kanilang kayamanan, kapangyarihan, at kasakiman. Lahat sila ay pawang may angking kayabangan: mula sa padre de pamilyang si Don Torcuato at asawang si Dona Magda, hanggang sa mga dalagang anak nitong sina Boling at Nenet.
Subalit, gaano man kasarap ang buhay na kanilang ninanamnam, labis silang naghangad ng mga bagay na hindi nila akalaing magbibigay sa kanila ng labis na pagdurusa. Ngayon ay nakaharap sila sa kakaibang bugso ng panganib.
Ang tanong: may magagawa kaya ang kanilang hinubog na kapangyarihan?
Masusing paghihibla-hibla sa kabuuan ng kuwento
Isang obrang pambihira. Bilang isang bihasang manunulat, kamangha-mangha kung paanong nagawa ni Hernandez na paigtingin ang kahalagahan ng katutubong kulay at sining sa pagsusulat; ang tahasang gawing makulay at kapana-panabik ang mga tagpo sa dulang: Ang mga Kagalang-galang. Binuksan ni Hernandez ang dula sa pamamagitan ng paggamit ng kakaiba subalit hindi matatawarang mga paghahambing ng mga bagay-bagay na animo'y totoong nagtataglay ng buhay; ang paghahalintulad ng mga bagay na makikita sa bulwagan ng palalong mansiyon ng pamilya: mga mamahaling muwebles at palamuti sa kisame'y nakasabit ang aranyang tila malaking pugita na nakabuka ang mga galalamyparang madidilat na mata ang nag-uusling mga bombilya elektrika; nakalatag sa sahig ng bahay ang makapal na alpombrang may mga kulay na bahag-hari.
Maging ang kasuotan at itsura ng mga tauhan ay kanya ring ginamitan ng iba't ibang uri ng tayutay tulad ng pagtutulad, pagwawangis, pagbibigay-katauhan, pagmamalabis, personipikasyon, at iba pang uri ng tayutay na lalong nagpaigting sa karakter at tunay na itsura ng senaryo at mga tauhan: Naka-make-up at coiffure na ala Parissience, tila may bahid ng dugo ng kalapati ang mga labi.
// Ang mga sanga ng kahoy ay lalagyan ng mga prutas na sari-sarng kulay, at ang ibabaw ng hardin ay lalatagan ng ga banig na ilaw na mag-aanyong langit na puno ng bituin.
// Sa dibdib niya ay nakalawit ang isang pendatip na brilyante, nagbabaga sa magkabilang taynga niya ang mga solitaryo at sa daliring palasingsingan.
//Ganoon pala'y bakit hindi mo dipatsahion? Ano't nagmamantini ka ng mga dagang bahay?
Naging makulay rin maging ang tunog na nilikha sa imahinsayon na binuo ni Hernandez upang magbigay-linaw sa emosyong angkin ng eksena. Bawat matunog na publisidad ay prestihiyo at ang prestihiyo'y kredito sa negosyo at siyang sesame ni Alibaba sa kuweba ng kayamanan ng 40 tulisan.
//Marami riyan, malaki, nasa itaas. Mga kagalang-galang, pero ang kanilang mga mansiyo'y kasintibay lamang ng mga bahay-bahayang baraha na madaling ibuwal ng hangin.
// Matutuyuan ang Ilog Pasig, hindi si Don Torcuato Grande. Samanatalng pulahan ang suot ni Nenet at wala siyang alahas kundi isang kuwintas na may tumpok ng rubing kasinlaki ng duhat.
// Kung si Hudas ay binili ng isang supot na pilak, lalong mahal ang katanyagan sa alta sosyedad.
Sa pagpapakilala ng mga tauhan, masusing binalangkas ni Hernandez ang mga detalyeng nakapaloob sa karakter at katangiang taglay ng mga tauhang binuo nina: Don Torcuato: Si Don Torcuato na mukhang matanda kaysa sa kanyang gulang na 45 taon at tumitimbang ng 175 sa taas na 5'5' ay naksalamin ng de kolor, na kamukha rin ng balat na itim, pantalong abuhin at barong tagalog na puti.;
// Donya Magda (na asawa ni Don Torcuato): Si Donya Magda na mukhang bata naman sa kanyang gulang na 42 taon ay nakasaya na may guhit na sala-sala at kimonong rosas. // Si Donya Magda ay kaakit-akit pa sa kanyang ternong bughaw na mura. // Ngayo'y presidente ako ng Grande ang Company at direktor ng ilang korporasyon.;
//Boling, 21, panganay na anak na babae: Si Boling ay nakabestida ng sunod sa moda. Poodle cut ang buhok na paikpik.;
//at Nenet, 20, bunsong anak na dalaga ng mga Grande:samantalang si Nenet ay naka-toreador na asul at kamisadentrong dilaw, Poodle cut din ang buhok.
Bilang mga taong kinikilala sa kanilang lugar, labis na nahumaling ang mag-anak Grande sa pagsasapubliko sa kanilang mga "pinagsisikapang" handaan sa pag-asang lalong mapalakas ang kanilang koneksyon, dahilan upang sila ay mag-angkin ng mga ugaling kakaiba gaya nga pagiging GASTADOR: Samantalang ang magkakapatid na mutya Grande, sina Boling at Nenet ay di pasalang panaghilian ng mga modelo ng Fashion show sa isusuot nilang mga bestidong sunod sa pinakahuling moda sa Paris at New York. Ang kasayahan ng mga Grande ay lubhang pinakahihitay pagkat laging engrande.
Nenet: Tena Boling. Ngayon daw mayayari ang mga komposisyon ng ga bestido. Tig-aanim kami.
Torcuato: Magkano na naman? Boling: Mil pesilyos lang. Torcuato: Mil pesilyos? Bibilhin mo ba ang talyer? Nenet: Saka bibili pa kami ng sapatos.
Torcuato: Masyadong gastador ang mga anak mo.
Magda: Iilwan ang dekolor na swimming pool. Ang mga sanga ng kahoy ay lalagyan ng mga prutas na sari-sarng kulay, at ang ibabaw ng hardin ay lalatagan ng ga-banig na ilaw na mag-aanyong langit na puno ng bituin.
Magda: Tatlong katerer ang kinasundo ko, Papa. Tatlong klase ng pagkaing mapagpipilian ng mga bisita. Komdio Tsina,. Espanyol, at Pilipino. --- Wala bang pagkaing Amerikano?
Torcuato: Entonces, walang peligrong kapusin ang mga handa? Magda: Maski dos mil. Torcuato: Bakit naman dos mil, hindi ba kuatro siyentos lamang ang imbitasying ipinadala?
Magda: Kailangan ko ng beinte mil. Dadalhin ngayon bagong dekorasyon ng bahay, paparito rin ang tatlng katerer at ang konduktor ng dalawang arbetrang tutugtog mamaya.
Torcuato: Entonses, singkuwenta mil ang gagastusin mo sa isang gabi lamang.
Kinagabihan ng araw na yaon, sa dating bulwagan na nagayo'y pinatingkad ng nagliliyab na 100 bombilya ng aranya at ilang ng dagitab na pailaw at palamuti.
Torcuato: Kung sabagay, pero narito naman ang ilang senador at kongresista, ilang heneral at businessmen at ang kani-kanilang asawa.
Ipinamalas din ni Hernandez ang kababaang-tingin ng pamilya sa kanilang kapwa dahilan upang ang mga ito ay tanghalin bilang mga MAPAGMATAAS AT BASTOS. Boling: Porke, delikadong basta ipaayos sa modista sa Maynial ang creation ng nga Christian Doit at Balenciaga ng Paris. Nenet: Ang takot ko'y baka sirain pa kamo kaya kailangang nakabantay kami.;
Magda: Ang mga bodigara at bolado, hindi mo na ba ibibilang? Wala nga sila sa listahan, pero ang mga iyan e mas puerte kung sumabak. Pagka nagkataon ay para kang dinapuan ng isang kawan ng lutong dayupay.;
Torcuato: Di ka dapat mahirapan kung minamaneho mo ang sanrekwang alila natin. Magda: Sanrekwang walang silbi. Marami ang nagpapaaliala sa panahong ito sa hangad na maging amo at magpasarap sa buhay. Biro mo bang sa kanila ay hubad sila at patay, magprisinta sa pamilyang pares natin, matitira sa mahusay na bahay, magdadamit ng maayos, kakain ng ayos, gagamit ng maputing palingkuran at may suweldo pa na natitipong buo. Ano ang nalalamang trabaho? Kumpletong wala ta pagkatigas ng katawan. Torcuato: Ganoon pala'y bakit hindi mo dipatsahion? Ano't nagmamantini ka ng mga dagang bahay?;
Magda: Balasubas ang diyablong kanong iyon. Dinadaan sa tangos ng ilong ang anak ko.
Maging ang KAYABANGAN ng isang tao ay mariing ipinahiwatig ni Hernandez na sadyang hinango sa realidad: Boling: Mangyari pa, Mamang. Gusto mo bang lampasan kami ng maski sinong bisita mamaya sa aming kapanahon. Handa natin ito, tayo ang dapat sumikat.
//Magda: Pangit nga lang ang masabing nakatira tayo sa palasyo'y walang mga alila;
//Torcuato: Kita mo na, Mama, di narito ang kuatro siyentos na sosyedad.;
//Magda: Narito lahat pero hindi ako kuntento porke wala ang presidente at ang primera dama. ;
//Magda: Maski na. Iba na iyong mabalita sa peryodiko na dinaluhan tayo ng presidente at ng kanyang asawa. Lalabas ang malaking retrato na kaagapay natin sila. Lalabas na malaking bentahe sa prestihiyo gayon din sa negosyo.;
//Magda: Kung sa aki'y walang oras na di may lumalapit na ahente ng kung anu-ano pati mga asa-asawa ng ilang olitiko, nag-aalok ng awto, alahas, lupa't bhaya, pati sa mmga raket na umano'y madaling pagkakasalapian.Magda: Pero anong oras? Nakaalis na ang ibang importaneng bisista, nu! Pag walang retratong lumabas bukas sa mga peryodiko, laking kalamidad.;
//Magda: Pag ako'y ginalit nila, sasabihin ko kay Papa magbukas ng sariling diyaryo.;
//Mrs. Bigay: DApat sa akin ang tawag mong iyan, lagari. Kumakain pasulong, kumakain pakabig. Gusto kong sabihin ay kumikitta ako pag-alis at kumikita ako pag-uwi.;
//Mrs. Bigay: Lhat ng brilyante ng babaing mga narito ngayon, Magda, pati iyang nasa dibdib, tainga at daliri mo e ako ang nagpasok sa Maynial, buhat sa ibang lupain.;
Isa pang binigyang-pansin ni Hernandez ang halos walang patid na kasakiman ng isang tao sa pag-asang makakamit ang lahat ng kaginhawaan sa mundo nang hindi manlang naiisip at naikikintal sa sarili ang kahirapang dinaranas ng iba. Sa dula, halos lahat ng mga tauhan ay nagpakita ng kani-kanilang KASAKIMAN: Nenet: Hindi inggit, kundi kasakiman ng kapwa ang nagpahamak sa kanya. Nang malapit nang pakinabangan ang kanyang sakripisyo sa bulubundukin at may tanda nang matunton niya ang isang bagong kumpanyang patay nang malaon, at inaangking sa kanya...; PANDARAYA/KATUSUHAN: Mrs. Bigay: Ito'y mahigpit na sikreto, pero sasabihin ko sa iyo, Magda. Ang mga dolyra na aking inilalabas, inilalagay ko sa gulong ng awto. Ang mga brilyanteng aking ipinapasok, inilalagay ko sa tangke ng gasolina.; // Mrs. Bigay: Dala ko at magaling na camouflage. Komo ako'y naka-awto, hindi iisiping konrabandista. Sino ba iyong nagsabing ang milyonaryo'y huindi magnanakaw? // Boling: Porke sa mga kontrabandong nasamsam, may puhunan pala si Mamamng ng isang daang libong piso.
Maliban sa mga nabanggit, pinuna rin ni Hernandez ang kakayahang makapagsira ng isang relasyon dahil sa INGGIT: Boling: Inggit, maliwanag na inggit ang ginagawa nila kay Pong. Binibintangang tumutulong sa kilusang pulahan at ano ang pruweba?...Inggit, inggit lamang ang pakanang siya'y pasamain. Ang mga taong noon ay pinakain niya sa palad, ngayo'y sa kanya bumabalibag ng bato, ang mga pinunong walang sawang nangutang ng loob sa kanya, ngayo'y siyang umaalimura at nagpapako sa kanya ng krus. Nariyan ang halimbawa ng maitim na pusong tao at pagkabilanin ng mundo.
Hindi rin maipagkakaila ang katotohanan sa mata ni Hernandez na mayroon talagang MGA NABIBILING JOURNALIST: //Torcuato: Ikaw Amarillo, malaki ang magagawa mo sa iyong mga susulatin. Makapal ang mga bumabasa sa iyong kolumna.;
//Torcuato: Ikaw naman, Amarillo ang papasya sa publisidad sa iyong kolumna at sa ibang mga lathala. Iisip ka ng mga promosyong Hollywood style.;
//Amarillo: Kung minsa'y gusto ko nang iwan ang aking propesyon at limuting ako'y naging manunulat. Isang parusa ang sumulat kang kalaban mo ang iyong konsensiya. Dito sa Pilipinas, di ka makakasulat tuwina nang ayon sa itinitibok ng iyong puso. Ngunit ano ang mangyayari sa buhay ko sa aking sahod na pagkamanunulat? Malaki pa ang kita ng entertainer sa isang naitklab. Ano ang gagawin ko? Ako'y taong may pamilya.
Dahil masusing pinahalagahan ni Hernandez ang pagpapahalaga ng pamilya Grande sa kayamanan, mahusay rin niyang pinagtagpi-tagpi ang kalakasan at kahinaan ng mga kapangyarihan nito.
Torcuato: Kunin mo nang halimbawa ang ating sarili, Magda. Gaano na ang ating pondo sa bangko. Meron tres siyentos mil. Itong ating lupa at mansiyon ay kalahating milyon, at isang milyon pa rin ang iba't ibang obligasyon ko. Puro kredito. Iyan ang aking sandigan. Kung bigla akong bawian ng kredito ng mga bangko, huwag kang magulat kung mawalan tayo sukat ng bubong na masisilungan at imbes na naka-cadillac e mag-bus na lang.
Torcuato: Buweno, mayroon akong singkwenta ektarya na bukid na 60 kilometro mula sa kastelo nasyonal. Matagla nang hindi natatamnan dahil sa kalintikan ng ga kasama. Mabuti ang katutubong halaga ng lupang ito na hindi ko binili ng tuwiran, kindi nailit sa sanlang-bili, ngayo'y gusto kong gawing subdibisyon at pagkaraa'y ipagbili ng pakyawan sa gobyerno.
Torcuato: May sobre pa bawat kinsenas at hindi mapupuno ng lupa ang mga daliri mo., Mister sigurista. SAnlibo muna kayo ni Amarillo. At kung naibenta natin ang asyenda sa tamang presyo, tig diyes porsiyento kayo. May kukuwaltahing tigkakalahating milyon kayo.
Nakabestido ng luntian si Boling at suot niya ang isang huwego ng mga batong esmeralda. Samantalang pulahan ang suot ni Nenet at wala siyang alahas kundi isang kuwintas na amy tumpok na rubing kasinlaki ng duhat.
Mapapansing hindi rin pinalagpas ni Hernandez ang pagsasalamin sa kung paanong ang iba't ibang lahi sa mundo ay may iba't ibang kaugalian ukol sa pag-aakyat ng ligaw at paghingi ng kamay ng isang dalaga. Sa mga Intsik, nakita ito sa pag-uusap nina Boling at Nenet, nagmamalakihan kung sino nga ba ang mas galante at mas malambing: ang kanilang nobyong Kano o Intsik. Sa Intsik:
Boling: Magagahol. Tumawag sa akin sa telepono. Pero di mo ba nakita ang padalang regalo? Anim na kaha ng Scoth Whisky--- 144 na botelya. Ba! Kung bibilhin iyan ngayon ay mga tres mil pesos. Nenet: Lalasingin ni sikiting ang lahat ng bisista.
//Sino ba ang madalas magbigay ng padulas, parating at pabagsak? Heto na si Sikito, may sunong naregalo. Iyan na ang regalo mo, at akin ang American loverboy.
//Boling (kay Nenet): Kaysa naman sa boyfriend mo. Hindi na sumipot e wala pang padalang ano pa man. Taingang kawali.; Nenet:Bukod sa iba ang ugali ng nga Amerikano sa Intsik. Kalaban sila ng rega-regalo, porke kung tutuusi'y katumbas ng suhol Kaya huwag mong iparis si Pter ka Pong. Boling: Magtigil ka nga, Nenet. Hindi ang Intski ang titser natin sa graft and corruption.; Boling (kay Nenet): ...Kung wala ako'y bibilugin lang ng Kano ang ulo niyan.
Kahusayan din sa negosyo ang isa pang tinutukan ni Hernandez na pagpapakilala sa tunay na pokus ng mga Intsik sa uri ng buhay na kanilang tinutunton; Nenet: Iyo na ang lahat ang sa Papang. Puhunanin ninyo ni Pong sa groseri.; at pagiging babaero ng nobyo nitong patudyo man ay pawang nagsasalamin ng katotpohanan dahil sa kinalakhang kultura ng mga Intsik: Nenet: Sinabi ba ni Pong kung ilan ang asawa niya sa Tsina?
Pinuna rin ni Hernandez ang pagkakaiba ng ugali ng mga Amerikano sa Instik. Ayon pa sa usapan nina Nenet at Boling: Boling (kay Nenet): Kaysa naman sa boyfriend mo. Hindi na sumipot e wala pang padalang ano pa man. Taingang kawali.; Nenet:Bukod sa iba ang ugali ng nga Amerikano sa Intsik. Kalaban sila ng rega-regalo, porke kung tutuusi'y katumbas ng suhol Kaya huwag mong iparis si Peter ka Pong. Boling: Magtigil ka nga, Nenet. Hindi ang Intsik ang titser natin sa graft and corruption.; Boling (kay Nenet): ...Kung wala ako'y bibilugin lang ng Kano ang ulo niyan.
Binigyang-halaga rin niya ang kahalagahan ng ilusyon kahit ng mga taong halos saklaw na ang kayamanan ng iba: Nenet: Pagbalik ni Peter buhat sa Benguet na dala ang isang trak na ginto.
Subalit, ipinamalas man ni Hernandez ang mga "kabutihang" maibibigay ng labis na pag-asama t pagkamkam ng kayamanan, hindi niya hinayaang mabilog ang ulo ng mga tao sa pagmmithi nito. Ipinaramdam niya kung pano dinamdam ng mga tauhan, lalung-lalo na ng pamilya Grande ang naging kinahantungan ng kanilang sobrang pagmamahal sa karangyaan at kapangyarihan.
Mariin at marubdob ang pagbibigay-buhay ni Hernandez sa bawat eksenang matatagpuan sa ikahuling tagpo; ang labis na pagkagulantang sa kakaharaping suliranin ni Torcuato: (Torcuato: Susmarya! Patung-patong na kasawian ito!); pagkaipit ng nobyo ni Boling (Boling: mahigpit na iniipit si Png. Alam mo na ba, Papang?); pagtatakwil sa kasintahan ni Nenet (Nenet: At ang pagpapatapon kay Peter, alam mo na rin ba, Papang?); disgrasyang malubha sa kasakiman ni Torcuato (Torcuato: Mga mahal ko... Dapat ninyong malaman naman nang nangyari sa akin. Disgrasyang malubha.); ang pagkalustay ng pera ni Magda kay Mrs. Mrs. Bigay, pananagot sa napabayaang responsibilidad ni Torcuato (Torcuato: Nagbanta sila. O magbayad ako ng aabot na isang milyon o managot sa ilang sakdal sa husgado.) at paghangad sa tamis ng kamatayan dahil sa napipintong pagdadalamhati (Torcuato:...Dili kaya'y kung ganitong buhay, mabuti pang matapos na!)
Kahusayan ng may-akda sa Paggamit ng Iba't ibang Disenyo ng Wika
Bilang isa sa mga pinakamahusay at iginagalang na manunulat ng bansa sa larangan ng wikang-sining sa wikang Filipino, si Amado Hernandez ay isang obra maestra na lumililok ng likhang obra maestra. Dahil sa kanyang malawak na imahinasyon at bokabularyo, naikikintal niya sa isipan ang mga salitang hindi man lubusang maintindihan ay nasasaklaw naman ang iba't ibang damdaimn dahil sa kahusuyan niya sa paggamit sa mga ito; mga salitang hango sa iba't ibang wika gaya ng Pranses, Espaniol, Ingles, at malalalim na salitang Filipino. Ilan sa mga ito ay ang mga nabanggit ng mga tauhan sa Ang mga Kagalang-galang: pedestal, magpamindal,, coiffure na ala Parisience, poodle cut ang buhok na paikpik, kana-toreador, biyenbenido, bulang-gugo, di pasalang panaghilian, gatasan, satispetso, sanlinggong yaot, Christian Dior, mil pesilyos, papel de bangko, entonces, bodigara at bolado, dayupang, balintuan. sanrekwa, listong, aranya, tsarol, mura, pendotip, solitaryo, balenciaga, hahipo o circulo pampianos, kitchen cabinet, sesame ni Alibaba, alonalud, Adelantado, huwego, at umaalimura.
Mga Linyang Makapagkikintal ng Bagong Ideya at Katotohanan Hango sa Mga Kagalang-galang
>Kung si Hudas ay binili ng isang supot na pilak, lalong mahal ang katanyagan sa alta sosyedad.
>Bakit ba ang mga taong iya'y hindi makakilos nang walang badigard? Natatakot yata sa kanilang mga anino.
>Wala pa akong masinag na dilim sa paligid.
>Lalong mapalad ang nagbibigay... kaysa tayo'y mag-aaliw at magpakaligaya.
>Pagka may alak, ang pagkai'y kalabisan na.
>Huwag pigain ang labanos upang buhusan ng gugo. Magpakain ng piyon upang dumama superior ang batas ng buhay.
>Ang disgrasya ng ta'y parang tulisang sumuulpot skung kailan hindi akalain. Sino ang mag-aakla?
>Noon lamang isang buwa'y ang sabi ko sa mama'y wla akong kadiliman. Akong tinatawag na big shot at kagalang-galang. Ngayo'y para akong dagang tinutugis sna walang malamang sulingan.
>Mama, ang presyong alahas ay sumusunod sa kalagayan ng may ari. Kung mayroon ka mahal. Kung wala ka, di tatawaran kahit sa kalahati ng pagkabili mo. Pero gaya ng sabi ko, hindi ako nag-iisa. Marami riyan, malakai, nasa itaas. Mga kagalang-galang, pero ang kanilang mga mansiyo'y kasintibay lamang ng mga bahay-bahayang baraha na madaling ibuwal ng hangin.
Kongklusyon
Ang paghahangad sa anumang kalabisan ay karaniwang nagdudulot lamang ng mas malala pang kakulangan sa ating buhay.
Kung kaya naman, itinuturing kong isang oportunidad ang pagbasa at pagdadalamhati sa dulang ikinintal ni Hernandez sa aking isipan: lahat tayo, mayaman man o mahirap, ay may karapatan rin namang tanghalin bilang--- Mga Kagalang-galang.
!--ENTRY['METADATA']::START-->